By Cess Alvarez
Eagle News Service
(Eagle News) — Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa anim na tinatawag na common summer diseases. Ito ay kinabibilangan ng sore eyes, sunburn, sipon at ubo, suka at tae, sakit sa balat at sakmal ng aso.
Sinabi ng DOH na ang “sore eyes o conjunctivitis” kapag mali ang paggamot ay maaaring magresulta sa pagkabulag.
Maari ring makahawa ang bacteria o virus.
Maiiwasan naman ang sunburn kung oorasan ang outdoor activities sa umaga o sa hapon, partikular sa mga oras na alas-10:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon. Mas mainam na gumamit ng sunscreen o sunblock kung hindi maiiwasan ang paglabas kahit na sobrang init ng panahon.
Makakaiwas naman sa heat stroke na nakukuha sa labis na pagbibilad sa pamamagitan nang pag-inom ng walo hanggang 12 baso ng tubig araw-araw, pag-iwas sa pagbibilad ng matagal sa araw.
Ang “sipon at ubo” naman ay madali umanong kumalat kapag summer month dahil sa sobrang init ng panahon at paminsan-minsang pag-ulan.
Madaling makaiwas sa sakit kung palagiang maghuhugas ng kamay at tatakpan ang bibig at ilong kung uubo o babahing.
Dapat rin umanong manatili na lamang sa bahay kung may ubo at sipon.
Isa pa sa karaniwang sakit sa tag-init ay ang “suka at pagtatae” na nakukuha sa mga pagkaing madaling masira. Mainam kung magiging maingat sa pagbili ng mga street foods at yaong mga pagkain na binabaon sa mga out-of-town trips.
Paalala ng DOH, madaling masira ang pagkain sa panahon ng tag-init.
Sakali naman umanong nagsusuka na at nagtatae ay mainam kung uminom ng oral rehydration salt solution na dapat na palaging baunin sakaling magkaroon ng malalang kaso ng diarrhea.
Karaniwan ding makukuha ng “sakit sa balat” kapag summer, lalo na kung maliligo o magsu-swimming sa maruming tubig o hindi name-maintain na public swimming pool.
Mapanganib rin at karaniwang marami ang nabibiktima ng “sakmal ng aso” sa panahon ng tag-init, na pinagmumulan ng rabies kung hindi nahugasan at nagamot na mabuti ang sugat.
Dapat umanong tiyakin na ang mga aso ay nabakunahan laban sa rabies at kung nakagat na ng aso ay kaagad na bumisita sa animal bite center para mabigyan ng rabies vaccination.