(Eagle News) – Pinabubusisi ng Department of Energy (DOE) sa Department of Justice (DOJ) ang sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa liham na ipinadala ni Energy Secretary Alfonso Cusi kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, nakasaad ang kahalagahan ng muling pagbuhay ng DOJ-DOE Task Force.
Sinabi ni Cusi na ito ang mangunguna sa pagsilip kung lehitimo ang mga nakaraang fuel price increase ng mga oil company. Partikular na sisilipin ng task force kung nagkakaroon ng cartelization at predatory pricing sa hanay ng oil companies dahil sa sunud-sunod at magkakaparehong presyo ng kanilang mga dagdag-singil sa produktong petrolyo.
Ang DOJ-DOE Task Force ang naatasan sa ilalim ng batas na mag-imbestiga at magpatupad ng kaukulang parusa sa oil companies na mapapatunayang lumalabag sa Oil Deregulation Act of 1998.