Ni Moira Encina
Eagle News Service
(Eagle News) — Hindi tinanggap ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong kriminal na ihahain sana ng NCRPO laban sa blogger na si Andrew Olivar kaugnay sa bomb scare post nito sa Facebook.
Pasado alas tres ng hapon (3:00 PM) nang dumating sa DOJ ang ilang tauhan ng NCRPO Regional Investigation and Detective Management Division para kasuhan sana si Olivar.
Pero ayon kay NCRPO-PIO Senior Inspector Myrna Diploma, tinanggihan ng piskalya without prejudice to refile ang reklamo dahil sa kulang na ebidensya partikular ang IP address ng bomb scare post ng blogger.
Dahil dito, sinabi ni Diploma na makikipag-ugnayan sila sa Cybercrime Unit ng Philippine National Police para makumpleto ang mga ebidensya laban kay Olivar at tuluyang maisampa ang reklamo.
Mga reklamong paglabag sa Presidential Decree 1727 o ang pagbibiro ng pagpapasabog kaugnay ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang isasampa ng pulisya kay Olivar.
Sa post ni Olivar, sinabi nito sa kanyang followers na nakakatakot na mag-rally sa EDSA dahil may kumakalat na ulat na baka maulit ang Plaza Miranda bombing.
Humingi ng paumanhin si Olivar pero iniutos pa rin ni PNP Chief Oscar Albayalde na sampahan ng reklamo ang blogger.