Ni Erwin Temperante
Eagle News Service
Lusot sa kasong possession of illegal drugs si Lt. Col. Ferdinand Marcelino at ang Chinese national na si Yan Yi Shou matapos absweltuhin sila ng Justice department sa mga kasong iyon.
Sa resolusyon ng Department of Justice na nilagdaan ni Undersecretary Deo Marco, ibinasura ng DOJ panel ang Sept. 15, 2016 na resolusyon na nagsasabing kinakitaan ng sapat na batayan upang kasuhan sina Marcelino at Yan.
Kinatigan din ng DOJ ang unang desisyon ni DOJ senior deputy state prosecutor Theodore Villanueva noong ika-23 ng Mayo, kung saan sinabing walang sapat na ebidensiya laban sa dalawa.
Matatandaang inabutan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police anti-illegal drugs task force sa isang apartment sa Maynila ang dalawa noong Enero ng nakaraang taon.
Inakusahan sina Marcelino at Yan ng possession ng iligal na droga matapos makakuha ang mga awtoridad ng humigit kumulang 76 na kilo ng shabu na nagkakahalagang P380 milyon sa lugar.
Pero sabi ng DOJ, hindi naging sapat ang ipinresentang ebidensiya ng petitioner laban sa dalawa.
Pinagtibay ng DOJ ang kanilang desisyon base na rin sa mga inilatag na certification ng Armed Forces of the Philippines, na nagpapatunay na si Marcelino ay isang opisyal ng Philippine Navy.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines, kahit pa nailipat ng ibang unit si Marcelino, patuloy pa rin ito sa pakikipagtulungan sa intelligence services.
Pinagtibay din ng National Bureau of Investigation at pinatotohanan na tumutulong si Marcelino sa anti-illegal drugs operations ng ahensiya, taliwas sa sinabi ng PDEA at PNP.
Walang actual, constructive possession
Sabi pa ng DOJ, hindi maaaring kasuhan ng illegal possession of drugs ang dalawa dahil hindi aniya napatunayan ang actual at constructive possession.
Ayon sa batas, sa actual possession, pisikal na nakuhanan ng iligal na droga ang suspek.
Sa constructive possession naman, kontrolado o pag-aari ng suspek ang bahay o lugar kung saan nakuha ang iligal na droga.
Sa kaso nina Marcelino at Yan, ayon sa DOJ, walang nakuhang iligal na droga sa kanilang katawan.
Hindi rin aniya nila pag-aari ang apartment kung saan nasabat ang shabu.
Release order na lamang ang inaantabayanan upang makalabas sa piitan sina Yan at si Marcelino.
Inatasan din ang City Prosecutor ng Maynila na magmotion ng pagwithdraw ng kaso laban kina Marcelino at Yan sa Manila Regional Trial Court.