By Eden Suarez
(Eagle News) — Paiimbestigahan na ng Department of Justice ang umano’y banta sa buhay ng mag-inang Tenny at Angel Manalo na lumabas sa youtube at social media.
Ito ay matapos makatanggap kaninang umaga ng nasabing kopya sa kanilang email account si Justice Secretary Leila de Lima.
Pero agad nilinaw ng kalihim na tanging ang alegasyon ukol sa pagdukot na binabanggit ng mag-ina ang nais nilang pagtuunan ng pansin at hindi para panghimasukan ang usaping pampamilya.
Ayon kay De Lima, maaaring makialam ang estado sa isyu ng pagdukot.
Agad namang nagtungo ang apat na tauhan ng National Bureau of Investigation sa tahanan ng mga Manalo sa number 36 Tandang Sora Avenue, Quezon City batay sa direktiba ni NBI director Virgilio Mendez sa atas naman ni De Lima.
Sinabi ni Job Gayas, special investigator ng NBI na nais nilang makausap si Ginoong Angel Manalo para kumpirmahin ang katotohanan ng mga ulat ukol sa serious illegal detention.
Muli namang tinangka ng mga imbestigador ng NBI at Anti-Organized and Transnational Crimes Division na makausap ang mga nasa loob ng bahay. Subalit wala pa ring lumabas para magbukas ng gate.
Tuloy-tuloy naman ang mahigpit na pagbabantay ng mga tauhan ng Quezon City police sa labas ng bakuran ng bahay ng mga Manalo.
Ayon kay SPO3 Levy Sevilla ng Police Community Precinct-Station 3, wala namang untoward incident na naitala.
Aniya, nagpapalitan ang mga pulis sa pagbabantay at pagmo-monitor para mapanatili ang peace and order sa buong paligid.
Una rito, bigo rin na makausap ng ilang tauhan ng Commission on Human Rights ang mag-inang Tenny at Angel nang magtungo sila kaninang umaga sa bahay ng mga ito (Eagle News Service)