DOJ prosecutor, ipinag-utos ang pagpapalaya kay Salic; kasong rebelyon dahil sa nangyari noong 2017, hindi na “inquestable,” aniya

Salic, isasalang nalang sa regular preliminary investigation

Ipinag-utos ni Senior Assistant Prosecutor Peter Ong ang pagpapalaya kay Marawi Vice Mayor Arafat Salic (nakaT-shirt na asul) na inaresto noong Miyerkules, ika-13 ng Marso, dahil sa rebelyon. Ayon kay Ong, ang kasong rebelyon dahil sa nangyari noong 2017 ay hindi na “inquestable.” Isasalang nalang si Salic sa regular preliminary investigation. /Moira Encina/Eagle News/

Moira Encina
Eagle News Service

Ipinag-utos ni Department of Justice Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong na palayain si Marawi City Vice Mayor Arafat Salic na inaresto noong Miyerkules, ika-13 ng Marso, dahil sa rebelyon.

Si Salic ay dinala sa DOJ ng Criminal Investigation Detection Group ng Autonomous Region in Muslim Mindanao para isalang sa inquest proceedings.

Pero ayon kay Ong, hindi inquestable ang reklamong ihahain sana ng CIDG dahil ang sinasabing pagkakasangkot ni Salic sa pagkubkob sa Marawi ng Maute ISIS na pinagbatayan ng pag-aresto dito ay noong Mayo 2017 pa nangyari.

Gayunman, itinuloy ang paghahain ng reklamong rebelyon laban kay Salic na isasalang naman sa isang regular preliminary investigation.

Nilinaw din ni Ong kay Salic na pansamantala lang ang kalayaan nito at kailangan nitong humarap sa pagdinig sa reklamo laban dito.

Pinanumpaaan ng mga tauhan ng CIDG at ng tatlong testigo ang kanilang reklamo at salaysay laban kay Salic.

Nanindigan ang CIDG na ibinatay ang pag-aresto kay Salic sa martial law order ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kung saan kasama ang pangalan ng Vice mayor.

Ipinunto nila na nagpapatuloy ang krimen ng rebelyon dahil umano sa pagsuporta ni Salic sa Maute-ISIS group.

Sinabi naman ni Ong na mayroong kautusan si Lorenzana na nagpapawalang-bisa sa nasabing arrest order.

Iginiit ng CIDG na wala silang natatanggap na kopya ng anumang kautusan na bumabawi sa martial law order.

Si Salic ay nahaharap din sa mga kaso na may kinalaman sa iligal na droga at sa kasong administratibo matapos mapasama siya sa sinasabing narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Related Post

This website uses cookies.