NEGROS ISLAND REGION – Nagbabala ngayon ang Department of Labor and Employment–Negros Island Region o DOLE-NIR sa mga magpapatuloy pa sa paggawa o pagbebenta ng mga paputok at iba pang uri ng pyrotechnics.
Ito’y matapos makatanggap ang ahensya ng mga ulat na ipagpapatuloy pa rin ang paggawa at pagbebenta ng nasabing mga produkto, partikular sa bayan ng Hinigaran, sa kabila ng work stoppage order o WSO na inisyu sa mga manufacturer at retailer nito.
Ayon kay Mary Agnes Capigon, technical support services division chief ng DOLE-NIR, maaari lamang aniyang ipagpatuloy ang mga aktibidad na may kaugnayan sa naturang produkto kung mayroong order mula sa Central office ng naturang ahensiya.
Dagdag pa nito, hangga’t hindi inaalis ang WSO, makikipag-ugnayan aniya ang DOLE sa Philippine National Police upang ipasara ang mga etablisyemento na lalabag dito.