DOLE sa Regional Wage Boards: Pag-aralan kung napapanahong itaas ang minimum wage

(Eagle News) — Pinapaaral na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga Regional Wage Board kung napapanahon na ba ang pagtaas sa minimum wage sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Ito’y sa harap na rin ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Pero agad dumipensa ang kagawaran na maliit na porsyento lang ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Paliwanag ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), ang inflation at paghina ng piso ang mga maituturing na dahilan para sumirit ang mga halaga ng bilihin at serbisyo.

Sa Hunyo 5, magpupulong ang komisyon para tingnan kung kinakailangan na magdeklara na ng supervening condition gaya ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at inflation.

Minimum wage hike, pwede kung magdedeklara ng supervening conditions – DOLE

Apat na beses lang nagdeklara ng supervening conditions para bigyang-daan ang umento sa sahod.
Una ay noong Gulf War noong 1990, pangalawa noong 2005 bunsod ng implementasyon ng expanded value added tax o evat, 2008 at 2011 bunsod naman ng pagtaas sa presyo ng bigas at ng langis.

Sa oras na maideklara ang supervening conditions, may tatlumpong araw ang wage board na pag-aralan kung kailangan na ba ang wage increase. At kung anuman ang magiging rekomendasyon, ito ang susuriin ng NWPC.

Naka-depende rin umano sa inflation rate sa bawat rehiyon sa bansa ang magiging pasya ng komisyon ukol sa taas-sahod.

Anim na rehiyon, nagtaas ng sahod noong 2017

Kapag napagtibay ang rekomendasyon, maaaring magtaas ng minimum wage ang bawat rehiyon kahit wala pang isang taon.

Kinakailangan na isang taon muna ang hihintayin bago humirit ng umento sa suweldo.

Anim na rehiyon pa lang sa bansa ang mag-iisang taon nang nagpatupad ng umento sa sahod.

Habang noong Oktubre nang nakaraang taon nagpatupad ng taas-sahod ang National Capital Region. (Jerold Tagbo)

https://youtu.be/ykta1XhQAvI