Ni Anne Ramos
Eagle News Correspondent
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (Eagle News) – Nakatakdang magsagawa ng visitor survey ang Department of Tourism-Mimaropa katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Palawan ngayong buwan ng Abril sa mga pangunahing destinasyon sa lalawigan.
Ito ay kinabibilangan ng Coron, El Nido at Puerto Princesa City.
Layunin ng naturang visitors’ surveys na mangangalap ng mahahalagang datos katulad ng accommodation establishment visitor survey, tourist attraction visitor survey at departure points visitor survey. Sinimulan na ito nitong Lunes, Abril 9.
Pangunahing layunin din nito na malaman ang profile ng mga bumibisitang turista, travel characteristics ng mga ito at maging ang epekto ng turismo sa ekonomiya ng isang lugar.
Ayon kay Gng. Rutchel Alcantara ng Provincial Tourism Promotions and Development Office, ang mga isasagawang survey ay makatutulong sa pagpaplano ng mga aktibidad, proyekto at programa para sa ibayo pang paglago ng industriya ng turismo sa rehiyon at lalawigan.
Ang tourist attraction visitor survey ay isasagawa sa mga destinasyon kung saan maraming bumibisitang turista tulad ng Underground River, Honda Bay at Crocodile Farm sa Puerto Princesa, Bacuit Bay at Nacpan Beach sa munisipyo ng El Nido at Kayangan Lake, Coron Island at Maquinit Hotspring ng Coron.
Samantala, isasagawa naman ang departure points visitor survey sa Puerto Princesa International Airport, Lio Airport sa El Nido at Francisco B. Reyes Airport at Coron Seaport.
Magiging kabahagi sa nakatakdang aktibidad ang mga lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa, Coron at El Nido at Palawan State University kung saan magmumula ang mga estudyanteng magsisilbing enumerators.
(Eagle News Service)