(Eagle News) — Muling inilunsad ng Department of Tourism ang brand campaign ng bansa sa aspeto ng turismo.
Sa isinagawang press launch nito sa National Museum of Natural History, muling ipinakilala ng DOT ang mas pinalakas na slogan na “It’s More Fun in the Philippines” na una nang ginamit noong 2012.
Kasabay nito ang paglulunsad ng bagong logo at icon nito na dinisenyo sa weave na nagpapakilala sa iba’t-ibang produkto ng ating bansa.
Ginamit rin sa slogan ang font na mismong dinisenyo ng DOT, ang “Barabara” na maaaring magamit ng publiko.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, layon nila na mas mapalakas pa ang kampanya ng bansa sa turismo.
Ang pinalakas na kampanya ng ahensya ay para ikampanya ang sustainability sa ating bansa.
“we are coming into 2019 with a renewed and refreshed sense of purpose, more and more travelers conscious about their ecological footprint, the culture and experiences they are consuming and simply wanting to know how they can give back,” ayon sa kalihim.
Bunsod nito, target ng tourism department ang 8.2 milyong turista na bumisita sa bansa ngayong taon matapos na umabot lamang sa 7.1 milyon ang turistang bumista sa bansa noong 2018.
Nakaapekto sa dagsa ng turista noong nakaraang taon ang isinagawang rehabilitasyon sa ilang bahagi ng isla ng Boracay na tumagal ng anim na buwan.
Sa hinaharap, nakatakdang isailalim sa rehabilitasyon ang Panglao Islands sa Bohol, El Nido sa Palawan, Siargao at ang Baguio City. (With a report from Vin Pascua)