DOTC hindi papayag na magtaas ng pamasahe ang LRT, MRT; Beep Card maaari nang gamitin sa CAVITEX

Tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa publiko na hindi niya papayagang magtaas ng pasahe ang Light Rail Transit at Metro Rail Transit sa hinaharap.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang Emergency Powers para kay Pangulong Rodrigo Duterte, tinanong ang kalihim ni Senador Ralph Recto kaugnay ng panukalang sampung porsyentong fare increase sa LRT Line 1.

Nakatakda sanang ipatupad ngayong Agosto ang fare increase, pero hiniling umano ng gobyerno sa Light Rail Manila Corporation, ang operator ng LRT 1 na ipagpaliban ang implementasyon nito.

Sa ngayon , sinabi ni Tugade na  hindi pa natatanggap ng kanyang tanggapan ang kopya ng formal request ng LRMC, ngunit inatasan na aniya ang kanyang team na gawin ang lahat upang pigilan ang fare increase.

Samantala maaari nang gamitin ng mga beep card holder ang “tap-and-go card” sa pagbiyahe sa Cavite Expressway o CAVITEX.

Ito ang ipinabatid ni Peter Maher, president and CEO ng AF Payments Inc. o AFPI.

Kaunay nito, sinabi ni Maher na tatanggapin ang lahat ng uri ng beep cards, kabilang na ang Paymaya Beep Cards bilang toll fee payment para sa class 1 vehicles sa CAVITEX.

Ayon sa ahensya, 24 pesos ang babayaran ng mga card holder na palabas ng Parañaque City at 64 pesos naman ang singil sa Kawit, Cavite.

Samantala, maaari namang bumili at mag-reload ang mga motorista ng kanilang beep card sa Parañaque Customer Service Center.