Ni Meanne Corvera
Eagle News Service
Pinag-aaralan na ng Department of Transportation na isapribado na ang maintenance ng Metro Rail Transit at tuluyan nang i-terminate ang kontrata sa Busan Universal Rail Incorporated o Buri.
Sa pagdinig ng Senate committee on public services, sinabi ni DoTr Undersecretary Cesar Chavez, ito’y dahil sa hindi pa rin maayos na sistema ng Buri sa pagmimintina sa mga tren.
Katunayan, nakapag-overhaul aniya ang Buri ng dalawang tren pero batay sa kanilang kontrata, dapat makasunod sila sa hinihinging requirements na labing-walong bagon hanggang noong Abril.
Sa datos ng DoTr hanggang noong Abril, nakapagtala na ang MRT ng 116 unloading incidents.
Hindi pa kasama rito ang matinding mga aberya na nangyari ngayong Mayo.
Bukod dito, ikinukunsidera na rin aniya nila ilagay sa ilalim ng management ng Light Rail Transit Authority o LRTA ang MRT 3.
Inaaral na rin na ito na ang maging regulator sa maintenance at operations.