(Eagle News) — Mahigit isang buwan bago ang muling pagbubukas ng Boracay sa October 26, inanunsyo na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magkakaroon muna ng 10 araw na dry run para rito.
Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, ito ay isasagawa mula Oktubre 15 hanggang 25 upang makita agad kung mayroon pang pagkukulang sa loob ng six-month rehabilitation.
Dagdag ni Antiporda na babawasan na rin ang nakagawian noon na kaliwa’t kanang party sa Boracay.
Samantala, target aniyang matapos ang road work sa main street ng isla bago ang soft opening sa Oktubre 26 habang ang pagsasaayos sa back roads ay maaaring magpatuloy.
Noong Abril 26 nang pansamantalang ipasara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tanyag na isla dahil daw sa pagiging “cesspool” nito na kailangang linisin.