(Eagle News) — Naniniwala ang Department of Trade and Industry (DTI) na maaaring makasama sa ekonomiya ng bansa ang hinihiling na P750 kada-araw na minimum wage ng mga militanteng grupo dahil sa magiging negatibong epekto nito sa mga negosyo at sa mga presyo ng bilihin sa buong Pilipinas.
Sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez, dapat na ibatay sa inflation ang pagbibigay ng umento sa sahod upang masiguro na walang negatibong epekto sa ekonomiya ang pagtataas ng suweldo ng mga manggagawa.
Kailangang maging kalkulado ang pagtaas ng sweldo ng mga manggagawa dahil magkakaroon ito ng epekto sa presyo ng mga produkto at ng buong ekonomiya ng bansa.
Ikinukunsidera ng gobyerno ang minimal adjustment sa suweldo ng mga manggagawa at dapat itong ibatay sa inflation rate sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
Gayunman, ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang maaaring mag-takda kung magkano ang idadagdag sa sweldo ng mga manggagawa.