DTI, nilinaw na walang magiging paggalaw sa presyo at supply ng bottled water

Eagle News – Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang mangyayaring taas-presyo at hindi magkukulang ang suplay ng bottled water sa kabila ng nararanasang water shortage.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, nakipagpulong sila sa Beverage Industry Association of the Philippines (BIAP) upang talakayin ang presyo ng bottled water.

Siniguro anya ng BIAP na walang magiging pagtaas sa presyo at sapat ang suplay hanggang sa inaasahang pagtatapos ng water shortage sa May 2019.

Nagpasalamat ang DTI sa kooperasyon at suporta ng BIAP sa gobyerno sa pagtugon sa pangangailangan ng mga consumer.

Samantala, maraming natatanggap na ulat ang DTI tungkol sa pananamantala ng ilang retailers sa water shortage kung saan ibinebenta ng mas mahal ang timba at tabo.

Dahil dito, nagdesisyon ang kagawaran na isama ang dalawang produkto sa monitoring at enforcement activities ng kagawaran upang tiyaking mananatiling stable ang presyo at protektado naman ang interest ng mga consumer.

Related Post

This website uses cookies.