DTI-Palawan, nagbabala sa mga tindahang hindi sumusunod sa SRP

Ni Rox Montallana
Eagle News Correspondent

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (Eagle News) – Nagbigay ng babala ang pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga lalabag sa umiiral na Republic Act No. 7581 o The Price Act.

Ang mga mahuhuling lalabag sa nasabing batas ay maaaring pagmultahin ng hindi hihigit sa dalawang milyong piso o pagpataw ng kasong kriminal na may pagkakakulong na lima (5) hanggang labing limang (15) taon.

Ayon kay DTI Provincial Director Rosenda G. Fortunado, sinabi nito na kasabay ng pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa lalawigan, mas lalo pang pinaigting ng pamunuan ng DTI-Palawan ang ginawang monitoring sa epekto nito sa pagbabago ng presyo ng mga produkto sa lalawigan.

Maaari aniya kasing gawing dahilan ito ng mga negosyante upang itaas ang presyo na lalampas sa mga suggested retail price (SRP) na itinakda ng DTI.

Base sa dokumento mula sa opisina ng DTI, nakasaad na ang fuel at sweetened beverages ay ang pangunahing maaapektuhan ng pagtaas ng presyo simula ngayong taong 2018 kung saan ang diesel at fuel oil ay magkakaroon na ng buwis na Php 2.50 kada litro, Php 1.00 sa kada kilo ng LPG.

Kasabay nito sisingilin na ng Php 6.00 kada litro ang mga sweetened beverages na gumagamit ng caloric or non–caloric sweeteners, habang Php 12.00 kada litro sa naglalaman ng high fructose corn syrup (HFCS).

Samantala sa mga nais na malaman ang itinakdang presyo ng DTI, maaaring bisitahin ang DTI epresyo.com .  Para sa mga nais na magsumbong kung may nalalamang paglabag sa mga tamang presyo, maaaring tumawag sa mga numerong 751-3330 o di kaya’y mag-text sa numerong 09178343330.

(Eagle News Service)

 

Related Post

This website uses cookies.