(Eagle News) — Hinimok ng grupong Philippine Legislator’s Commitee on Population and Development (PLCPD) si incoming President Rodrigo Duterte na lutasin ang suliranin ng kagutuman at malnutrisyon sa bansa.
Ayon kay PLCPD Director Romeo Dongeto, dito masusubok ang susunod na administrasyon at ang kongreso mula sa kanilang ipinangako na paglutas sa mga suliranin ng bansa kabilang na ang kagutuman at malnutrisyon.
Binigyang diin pa ni Dongeto ang kahalagahan ng pagrepaso sa mga umiiral na batas ng programa.
Sa datos ng Social Weather Stations (SWS), 33 sa 100 bata na edad limang taong gulang pababa ay bansot para sa kanilang edad habang pito sa 100 bata sa kaparehong edad ay payat.
Ayon sa 2013 National Nutrition survey, isa sa bawat 10 Pilipino ang mayroong “chronic energy deficiency.”
Panawagan ng grupo, kinakailangang paunlarin ng susunod na administrasyon ang mga lalawigan, bumuo ng matatag na kabuhayan, at tulungan ang mga magsasaka at mangingisda para labanan ang epekto ng “climate change” at iba pang kalamidad.
(report ni Sophia Okut, Eagle News Service)