Duterte, idinepensa sa pahayag tungkol sa media killings

Senador Aquilino Pimentel III, idinepensa si incoming President Rodrigo Duterte kaugnay ng pahayag ng huli tungkol sa pamamaslang sa mga miyembro ng media

(Eagle News) — Idinepensa ni Senador Aquilino Pimentel III si incoming president Rodrigo Duterte sa umiinit na diskusyon sa isyu ng media killings.

Kaugnay ito ng pahayag ni Duterte na katiwalian umano ang madalas na dahilan ng pamamaslang sa mga journalist.

Depensa ni Pimentel, misinterpreted lang si Duterte dahil nais lamang aniya nitong linawin sa publiko na hindi maaaring protektahan sa ilalim ng Saligang Batas ang sinumang indibidwal na nakagawa ng labag sa batas kahit pa ang mga taga-media.

Nangangahulugan lamang aniya ito na hindi maaaring gamitin ng media ang press freedom para lumabag sa batas.

Kaugnay nito, idinepensa rin ni Peter Lavina, tagapagsalita ni Duterte, ang incoming president at sinabing out of context lang ang pagkakaintindi ng publiko sa pahayag ni Duterte.

Maituturing aniyang prone sa pamamaslang ang mga nasa media dahil ilan sa mga ito ay nagagamit na rin aniya bilang partisan propagandist.

Hindi aniya maitatanggi na ilang media ang hindi patas at nagagamit ng ilan ang kanilang posisyon para atakihin o idepensa ang isang personalidad, grupo o pulitiko kapalit ng suhol.

Samantala, matatandaang umani ng batikos si Duterte mula sa mga media watchdog maging sa pamilya ng pinaslang na broadcaster at environmental activist na si Gerry “Doc Gerry” Ortega.

Ayon kay Michaella Ortega, anak ni Doc Gerry, pinatay aniya ang kaniyang ama dahil sa paninindigan sa katarungan, paglaban sa pagmimina sa Palawan at pagsisiwalat sa katiwalian sa provincial government sa lugar.

Ayon naman sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), hindi lamang anila dumudungis sa pangalan at alaala ng mga pinaslang na journalist ang naging pahayag ni Duterte kundi naglalagay din umano ito  sa media sa isipang pawang tiwali ang mga nasa hanay nito.

Dagdag pa ng NUJP, bagaman hindi maitatangging may mga miyembro ng media ang pinapaslang dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian, hindi pa rin anila ito tamang ikatuwiran sa pagpatay.

Samantala, ayon naman sa National Press Club of the Philippines (NPCP), wala pa anilang nabibigyan ng katarungan sa mga biktima ng impunity at ang pahayag umano ni Duterte ay maaaring magpalakas ng loob sa mga nagpaplanong pumaslang ng mga miyembro ng media.

Related Post

This website uses cookies.