(Eagle News) — Matapos magpahinga ng isang linggo, humarap na sa media ngayong araw si Presumptive president Rodrigo Duterte at inilatag ang mga gagawin sa bansa.
Ilan sa mga tiniyak ni Duterte ang pagsugpo sa iba’t ibang uri ng krimen gaya ng ilegal na droga maging ang paghiling aniya sa kongreso na ibalik ang death penalty para sa mga karumaldumal na krimen.
Ipapatupad din aniya ang mandatory curfew sa mga menor de edad kung saan kapag may nahuling minor, mga magulang ang aarestuhin.
Magtatakda rin aniya ng 60 kph na speed limit sa EDSA habang nais din nitong matigil ang noise pollution gaya ng pagkanta sa videoke machines hanggang alas-10 ng gabi para makapagpahinga aniya ang mga tao.
Samantala, ukol naman sa appointment, inihayag ni Duterte na kinokonsidera nito si Senador Alan Peter Cayetano bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ) o ng Department of Foreign Affairs (DFA) subalit dahil sa may one-year ban on appointments, kinokonsidera umano nito si Perfecto Yasay, Jr. bilang acting DOJ o DFA secretary.
Itatalaga nama aniyang executive secretary si Atty. Salvador Medialdea habang pinag-iisipan niyang ibigay ang defense portfolio kay Gilbert Teodoro, Jr.
Maliban sa mga nabanggit, ilalagay din aniya si Atty. Salvador Panelo bilang presidential spokesman; Peter Laurel sa Department of Education (DepEd); Jess Dureza sa Presidential Peace Process; Art Tugade sa Department of Transportation and Communications (DOTC) at Carlos Dominguez naman sa Finance.
Samantala, apat na ahensya naman ang ibibigay ni Duterte sa Communist Party of the Philippines (CPP): Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Work and Development (DSWD).