(Eagle News) — Napanatili ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pangunguna sa pinakabagong presidential survey ng Pulse Asia matapos itong makakuha ng 32% sa survey na isinagawa mula Abril 5 hanggang Abril 10 sa may 4,000 respondents.
Dalawang porsyento ang itinaas ng alkalde mula sa kaparehong survey na isinagawa naman mula Marso 29 hangang Abril 3.
Dahil dito, mayroon nang seven-point margin si Duterte laban kay Senadora Grace Poe-Llamanzares na nakakuha naman ng 25%.
Sumunod naman kay Poe sina Vice President Jejomar Binay na nakakuha ng 20% at dating Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Manuel Roxas III na nakakuha naman ng 18% habang nasa huling pwesto naman si Senadora Miriam Defensor-Santiago na nakakuha naman ng isang porsyento.
Samantala, nanatili ring top choice para sa mga tumatakbo sa pagka-bise presidente si Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa nasabing survey matapos itong makakuha ng 27%.
Sinundan naman si Marcos nina Senador Francis Escudero na nakakuha ng 23% at Camarines Sur Third District Representative Leni Robredo na nakakuha naman ng 21%.
Nasa ikaapat na pwesto naman sa survey si Senador Alan Peter Cayetano na nakakuha ng 17% na sinundan ni Senador Antonio Trillanes IV na nakakuha ng 4% habang nasa huling pwesto naman si Senador Gregorio Honasan na nakakuha ng 3%.