(Eagle News) — Marami sa mga Afrikano ang namumuhay sa labis na kahirapan.
Pinatotohanan ito ng ilang residenteng naninirahan sa Manyatseng sa South Africa.
Bukod pa rito, laganap rin daw ang iba’t-ibang klase ng krimen dala ng kahirapan.
Subalit dumating ang pagkakataon para magbago ang takbo ng buhay ng ilang taga-Ladybrand at karatig lugar.
Agosto 6 noong nakaraang taon nang pasinayaan ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo ang kapatid na Eduardo V. Manalo ang kauna-unahang eco farming site sa labas ng Pilipinas.
Mahigit limang daang ektarya ang lawak ng eco farming site sa Ladybrand, South Africa.
Agad sinimulan ang paglilinis sa site at nasa dalawandaang residente ang kinuha para magtrabaho.
Sunod na itinanim ang mga pecan nuts at olive trees.
Maituturing na first class ang bunga ng pecan nuts at ang bunga ng olives ay magagamit naman sa paggawa ng olive oil.
May mga cork oak tree ang nakatanim na rin — kung saan ang balat ng naturang puno ay magagamit sa paggawa ng takip sa mga bottled product, corkboard at iba pa.
Maliban dito, sinimulan na ring itanim ang iba’t ibang klase ng mga gulay.
May livestock na rin sa eco farm kung saan tig-dalawang daang at limangpong baka, tupa at kambing ang ipinapastol sa malawak na parang.
Mga makabagong agricultural equipment na rin ang ginagamit sa eco-farming site na napapakinabangan ng mga trabahador.
Bagamat gumagamit ng mga makabagong teknolohiya, tinitiyak ng mga agriculturist na napo-protektahan ang kalikasan.
Maraming natulungan
Sa ngayon, marami na ang natulungan ng eco-farming site ng Iglesia Ni Cristo sa Ladybrand.
Kabilang na si Elizabeth Mariti, hindi lang kabuhayan aniya ng pamilya, nabigyan din siya ng inspirasyon at pag-asa.
Nabigyan din ng pagkakataon na makapag-trabaho sa farm si Moeketsi Lesenye na dating walang permanenteng trabaho at hindi alam kung saan kukuha ng pagkain para sa kaniyang pamilya.
Mas madalas aniyang hindi sila nakakatikim ng anumang pagkain sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.
Kaya malaki ang kanilang pasasalamat sa Lingap na ipinagkaloob ng Iglesia Ni Cristo na nakapagpabago sa takbo ng kanilang buhay.
At upang mas matulungan ang mga taga-South Africa, itinatag ang isa pang mas malaking eco-farming site na nasa Petersburg.
Ginagawa ng Iglesia Ni Cristo ang ganitong adhikain na labanan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan sa mga taong nangangailangan bilang pagtupad na rin sa utos ng Panginoong Diyos na ibigin ang kapwa.Jerold Tagbo