Ni Meanne Corvera
Eagle News Service
Obligado pa ring magbayad ang mga miyembro ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap na iligal na tumira sa mga housing units para sa mga sundalo at pulis sa
Pandi, Bulacan.
Ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Senate committee on urban planning and housing resettlement, kailangang maibalik ang ginastos ng gobyerno sa pagpapatayo ng mga housing units.
Ito aniya ay upang magamit naman ito sa pagpapatayo ng ibang pabahay para sa mga sundalo at pulis o iba pang benepisyaryo na nawalan ng tirahan dahil sa iligal na pag-okupa ng nasabing grupo.
“You cannot correct a wrong with another wrong….Lahat po naiintindihan natin ang kalagayan ng Kadamay, na poorest of the poor…(pero) it would be very unfair na
malilibre ang Kadamay habang ang workforce nagbabanat ng buto para magkaroon ng sariling bahay,” sabi ng senador nang makapanayam sa Radyo Agila.
Nauna nang sinabi ng National Housing Authority na umaabot sa mahigit 5000 housing units sa limang housing site sa Bulacan ang iligal na pinasok ng mga miyembro ng Kadamay.
5.5 milyong housing backlog
Kasabay nito, umaapila si Ejercito sa mga local government units na tugunan ang 5.5 milyong housing backlog,
Kailangan aniyang sa Metro Manila rin humanap ng mga medium-rise buildings para sa mga informal settlers para hindi sila mawalan ng trabaho at iba pang pagkakakitaan.
Marami raw kasi sa mga informal settlers na nairelocate ng gobyerno ang nagbebenta o pinarerentahan ang bahay na ibinibigay sa kanila dahil, bukod sa malayo ang mga ito sa kanilang trabaho, walang suplay ng tubig at kuryente rito.
Ito aniya ang dahilan kaya marami rin sa mga nabigyan na ng pabahay ang bumabalik sa pag-i- squat.
Ang resulta, aniya, ay paulit-ulit lang ang problema ng gobyerno.
“…Ang nangyayari bumibili ng lupa sa malalayong lugar pero ang problema, malayo ito sa kabihasanan, walang serbisyo, walang tubig, walang access sa transportation, school at health services. Iyan ang mga dapat baguhin,” wika ng senador.
https://youtu.be/OGbYUUtsbgw