El Niño, umiiral na sa tropical Pacific – PAGASA

(Eagle News) — Pinaghahanda ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration-Department of Science and Technology (PAGASA-DOST) ang publiko sa pananalasa ng El Niño sa bansa.

Sa kasalukuyan ay may umiiral ng mahinang El Niño sa tropical Pacific na tinatawag na meteorological drought ng PAGASA dahil nagdudulot ito ng kabawasan o kakulangan sa ulan.

Ayon kay PAGASA Administrator Dr. Vicente Malano, malaki ang porsyento na mabubuo ang El Niño sa buwang ito.

Ilang lugar sa PHL, may potensyal na makaranas ng tagtuyot – DOST exec.

Batay sa dry spell at drought outlook ng PAGASA-DOST, simula sa buwang ito hanggang sa Mayo ay may mga lugar na sa Luzon, Visayas at Mindanao ang may potensyal na makaranas ng dry condition, dry spell at drought o tagtuyot.

Sa buwan naman ng Mayo ay may 33 probinsya ang pinangangabahang magkaroon ng drought 21 rito ay nasa Luzon, 10 sa Visayas at 2 sa Mindanao.

Batay naman sa rainfall forecast para sa buong bansa, sa Marso hanggang Hunyo ay tinatayang below normal ang mararanasang mga pag-ulan bunsod ng El Niño.

Kaya naman nagpalabas na ng unang advisory ang PAGASA-DOST ukol  sa El Niño at sa posibleng epekto nito para mas maagang makapaghanda ang publiko lalo na sa sektor ng agrikultura.

Dahil sa El Niño, suplay ng tubig at kuryente, posibleng maapektuhan

Nagpaalala naman ang PAGASA sa mga residente ng Metro Manila sa negatibong epekto nito sa supply ng tubig at sa elektrisidad bunsod ng mainit na panahon.

Bagaman nasa normal level pa ang tubig sa mga dam sa bansa, dapat umanong magtipid na sa paggamit nito ang publiko lalo’t hanggang isangdaang araw lang ang itatagal ng tubig sa angat dam.

Eagle News Service Eden Santos

https://youtu.be/MGrwGNfymEg