(Eagle News) — Inihahanda na ng kampo ni Senador Ferdinand Marcos, Jr., ang isasampang electoral protest kaugnay ng diumano’y nangyaring dayaan noong May 9 elections.
Ayon sa kampo ni marcos, posibleng maisampa ang kaso sa Hunyo 27.
Hihilingin aniya nila sa Presidential Electoral Tribunal na magkaroon ng recount sa ilang probinsya na hinihinala nilang nagkaroon ng dagdag-bawas.
Hindi anila dapat isama sa bilang ng boto ang resulta ng eleksyon sa mga lugar na diumano’y nagkaroon ng dayaan kung saan kabilang rito ang Basilan, Lanao del Sur at Lanao del Norte.
Matatandaang nagkaroon ng alegasyong may mga balotang nilagyan na ng shade ilang oras bago ang aktuwal na botohan.
May hawak na anial silang ebidensya na nagkaroon ng manipulasyon sa katatapos na eleksyon kung saan kabilang na rito ang nakuha nilang impormasyon na bukod sa main server ng Commission on Elections (Comelec), may isa pang server na ginamit ang Smartmatic para umano ay manipulahin ang resulta ng halalan.
Katunayan lang anila rito ang initial tabulation sa may 1,689 na presinto kung saan panalo si Congresswoman Leni Robredo kahit pa itinuturing itong balwarte ni Marcos.
Kapansin-pansin anila na nangyari ito mula 9:00 hanggang 10:00 ng gabi, ilang segundo lamang pagkatapos na palitan ng ni Smartmatic project director Marlon Garcia ang hash code sa main server ng Comelec.
Samantala, hindi naman natuloy kanina ang preliminary investigation ng Manila Prosecutor’s Office sa kasong isinampa ng kampo ni Marcos laban sa Smartmatic at mga opisyal ng Comelec.
Una nang nagsampa ng kaso ang kampo ni Marcos dahil sa umano’y pakikialam ng Smartmatic sa hash code sa main server ng Comelec.
Humingi ng 10 araw na palugit ang smartmatic dahil Hunyo 1 na anila nang kanilang matanggap ang kopya ng reklamo.
Dahil dito hihintayin muna ang counter affidavit ng Smartmatic at itutuloy ang preliminary investigation sa Hunyo 17.
Kabilang sa mga kinasuhan ng paglabag sa cybercrime law sina Marlon Garcia, Elie Moreno, at technical support team members na sina Neil Banigued at Mauricio Herrera.
Nahaharap rin sa kaparehong reklamo ang mga IT expert ng Comelec na sina Rouie Peñalba, Nelson Herrera at Frances Mae Gonzales.
Sakaling mapatunayan, ang mga opisyal ng Comelec at Smartmatic ay maaaring makulong ng anim hanggang 12 taon.