QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Inilabas na ng Commission on Higher Education (CHED) ang pinalawig na implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong August 3, 2017.
Nakasaad dito na lahat ng undergraduates na naka-enroll sa State Universities and Colleges (SUCs) at CHED-recognized Local Government Created Universities and Colleges (LUCs) ay libre na o hindi na magbabayad ng tuition at ibang school fees bilang mandato ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) board.
Simula academic 2018-2019, kasado na ang budget na sasagot para sa libreng matrikula at miscellaneous fees kabilang ang library fees, computer, laboratory, school ID, athletic, admission, development, guidance, hand book, entrance, registration, medical, dental and cultural fees.
Ayon kay CHED officer in charge Prospero De Vera III, hindi biro ang pagbuo ng IRR sa batas na ito para sa developing country na gaya ng Pilipinas na unang beses na sasalang sa ganitong programa ng pamahalaan.
Iba pang benepisyo para sa mga estudyante, kasama sa binagong IRR
Bahagi rin sa batas na ito ang tertiary education subsidy, free technical- vocational educational and training at national student loan program.
Paglilinaw ng CHED na tanging mga naka-comply at recognized SUCs at LUCs ang babayaran ng CHED, o makakapagproseso ng reimbursement.