Epekto ng bagyong Ferdie naramdam na sa Kalinga

TABUK CITY, Kalinga (Eagle News) — Dahil sa epekto ng bagyong Ferdie nakaranas ang lalawigan ng Kalinga ng katamtaman hanggang sa malakas na mga pag-ulan. Pinapag-ingat naman ng Kalinga PDDRRMC ang mga mamamayan lalo na ang mga nasa landslide prone area sa mga posibleng pagguho ng lupa partikular na sa Upper Kalinga.

Ayon kay Mr. Richard Anniban, officer in charge ng nasabing ahensiya, patuloy silang magsasagawa ng close monitoring lalo na sa mga lugar na malapit sa Chico River para sa posibleng pagtaas ng tubig kapag nagtuluy-tuloy ang mga pag-ulan.

Handa na rin umano ang kanilang mga equipment kasama ang DPWH kung sakaling magkaroon man ng landslide sa mga daan lalo na ang Tabuk – Bontoc Road. Nagbigay rin ng abiso ang ahensya na gawin na ang preemptive evacuation kung kinakailangan. Huwag ng hintaying tumaas pa ang tubig.

Sa kasalukuyan ay wala namang naiulat na landslide lalo na sa mga daan at nananatili pa ring normal ang supply ng kuryente sa lalawigan.

Courtesy: JB Sison