Epekto sa kapaligiran ng Mt. Mayon eruption, inaalam ng DENR

MANILA, Philippines (Eagle News) — Mahigpit na minomonitor ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang aktibidad ng Bulkang Mayon.

Nagpaalala sa publiko ang DENR sa magiging epekto ng aktibidad ng bulkan sa kalikasan at sa kalusugan.

Mismong si Environment Secretary Roy Cimatu ang bumisita sa Albay nitong Lunes upang suriin ang air quality conditions sa mga apektadong lugar gaya ng bayan ng Camalig at Guinobatan at sa lungsod ng Tabaco at Ligao, maging sa bisinidad ng danger zone.

Ayon kay Cimatu, makikipag-ugnayan din ang DENR sa Department of Health (DOH) para sa patuloy na pagmo-monitor sa kalidad ng hangin at tubig sa mga apektadong lugar at sa mga river system para maibsan ang epekto ng pagsabog ng bulkan sa kalikasan at sa kalusugan.

Makikipag-ugnayan din aniya ang Environmental Management Bureau o EMB Region 5 sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, Office of the Civil Defense, at Albay Public Safety And Emergency Management Office patungkol sa announcement ng mga abiso at evacuation plan.

Sinabi naman ni EMB-Region 5 Director Eva Ocfemia, mula sa mga apektadong lugar, tanging ang Guinobatan lamang ang nagpakita o tumaas ang resulta ng total suspended particulates (TSP) concentration.

Ang sulfur dioxide concentrations naman aniya sa Camalig at Guinobatan ay nananatiling nakasunod sa national ambient air quality guideline value na 0.034 parts per million.

Nagbabala naman si Cimatu na ang mga ibinubugang gas ng Bulkang Mayon partikular ang sulfur dioxide ay magkakaroon ng mapanganib na epekto sa kalikasan at sa kalusugan ng tao.

Kapag humalo aniya ang sulfur dioxide sa tubig at hangin ay nabubuo ang sulfuric acid na pangunahing component ng acid rain.

Paliwanag pa ng kalihim, ang acid rain ay maaaring magdulot ng deforestation at makaka-apekto sa aquatic life.

Sa kalusugan naman aniya ay maaapektuhan ng sulfur dioxide ang respiratory system partikular ang lung function at maaaring maka-irritate sa mga mata.

(Aily Millo, Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.