Escudero, nagresign bilang chairman ng Senate Committee on Finance

 

By Meann Corvera

(Eagle News) — Nagresign na si Senador Francis Escudero sa mga hinahawakang posisyon sa senado dahil sa delicadeza.

Si Escudero ang kasalukuyang Chairman ng makapangyarihang Senate Committee on Finance na bumubusisi sa pambansang budget.

Siya rin ang Vice Chair ng Joint Congressional Oversight Committee on Public Expenditures.

Ayon kay Escudero, seryoso niya kasing ikinukunsidera ang pagtakbo sa mas nataas na posisyon sa 2016.

“Seryosong pinag-iisipan ko ang pagtakbo sa 2016, hindi naman kaila yon.  Ayokong mabahiran ng anumang alegasyon ng anumang pagpapasaring na yung budget nagagamit o ginagamit para sa partikular na interes pampulitika o partisan political activity,” ayon kay Escudero.

Pero ayaw pa ring sabihin ni Escudero ang maugong na balitang tatakbo syang vice president o  ka-tandem ni Senadora Grace Poe.

Ilang beses na rin itong nakipagpulong kay Pangulong Aquino kasama si Senador Poe kaugnay ng planong pagtakbo sa 2016.

Gayunman, nanindigan si Escudero na wala pa siyang malinaw na pasya at pinag-aaralan nya pa ang lahat ng opsyon hinggil dito.

“Gusto ko sana habang nag-iisip at nag-aaral pa lang (kahit) walang actual na pasya ay gawin ko na ito para walang alingasngas, walang alegasyon sa apaggamit ko ng pwestong ito,”  sinabi ni Escudero.

Paglilinaw ni Escudero, wala itong kinalaman sa pumutok na isyu ng umanoy insertions at pork barrel sa ilalim ng 2015 national budget.

“Patuloy kaming makikilahok sa budget para tiyakin lamang na yung safeguard na nilagay namin doon ay mananatili.  (Ang) safeguard kaugnay sa pagtupad at pagtalima sa desisyon ng Korte Suprema sa DAP at PDAF cases ay mananatili,” ayon pa kay Escudero.

Suportado naman ni Senador Cynthia Villar ang ginawa ni Escudero.

Kwestyonable aniya at magkakaroon ng conflict of interest kung mananatili siyang pinuno ng komite kung may plano ring itong kumandidato.

“Baka mahirap kasi yung finance committee maraming advantages.  Marami ring disadvantages sometimes pag hindi mo napagbigyan baka mahirapan siya (si Escudero) sa ganon considering that he is running.   Siguro yun ang thinking niya,” ayon pa kay Villar.

Anumang araw ngayong linggo, inaasahang isisumite na sa Kongreso ang panukalang budget para sa 2016.

Sinabi naman ni Senate President Franklin Drilon na iginagalang nya ang pagbibitiw ni Escudero.

Ikokonsulta nya raw sa mayorya ng Senado kung sino ang maaring pumalit kay Escudero lalo’t inaasahang isusumite na ng Malacanang sa kongreso ang pondo.

Sa ngayon, apat ang kasalukuyang Vice Chairman ng komite na maaring pagpilipian.  Ito ay sina Senador Serge Osmena, Ralph Recto, Loren Legarda at TG Guingona.

Sa tradisyon ng Kongreso, pagkatapos na maisumite ang budget sa kamara ay may sampung araw ang senado bago simulan ang paghimay sa pambansang budget.  (Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.