MULI na namang bumuhos ang malakas na ulan na tila may bagyo kahapon (Mayo 17, 2016) sa pagitan ng alas 3:00 hanggang 4:30 ng hapon sa bahagi ng Northern Luzon. Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration ito ay tinatawag na Extreme Thunder Storm.
Halos dalawang linggo na itong nararanasan sa lalawigan na kadalasan ay tumatagal din ng halos dalawa hanggang tatlong oras. Kaya ipinapaalala sa mga motorista ang dobleng pag-iingat na dapat gawin sa pagbaybay sa mga kalsada at daan dahil kapag ganitong tag-ulan ay malimit na sinasabayan din ng landslide o rockslide sa ilang bahagi ng kalsada patikular na sa bahaging Sabangan hanggang Bontoc Road, subalit nakararaan pa rin sa lahat ng uri ng sasakyan.
Maagap naman ang tauhan ng Department of Public Works and Highways dahil may mga nakatalaga silang mga tao upang malinis kaagad ang mga daan.
Samantala, ang mga ganitong pag-ulan naman nakatutulong sa mga magsasaka sa nasabing lalawigan para sa kanilang mga pananim na gulay at palay .
(Eagle News Correspondent Erwin Dello)