FBI agents, nasa Samal Island

Apat na tauhan ng Federal Bureau of Investigation (FBI ) ng Amerika ang nasa Samal Island upang pag-aralan ang naganap na kidnapping ng apat-katao sa Island Garden City ng Samal.

Ayon sa report, kinausap ng mga FBI agent ang mag-asawang nakatakas umano sa kamay ng mga kidnapper.

Samantala, naniniwala ang Regional Deputy Police Commander ng Police Regional Office (PRO)-11, na hindi pa nakakalayo sa Davao del Norte ang mga dumukot sa tatlong dayuhan at isang pinay sa Samal Island.

Sinabi ni Senior Superintendent Aaron Aquino, na hindi basta-basta makakaalis sa lugar ang mga suspek lalo na’t mahigpit ang ipinatupad na seguridad mula nang mangyari ang insidente.

Aniya mahigpit ang checkpoint sa mga boundary ng probinsiya at nakatutok din ang puwersa ng Naval sa mga shorelines pati na ang mga chopper ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Kaya imposibleng umanong makalayo agad ang mga kidnapper.

Ipinadala naman ng opisyal sa cybercrime ang kuha ng CCTV camera sa Ocean View Resort para mapalinaw pa ang kuha nito at makilala ang mga suspek.