(Eagle News) –Pinag-iingat ng Food and Drug Administration ang publiko sa pagbili at paggamit ng katol o mosquito coil na hindi rehistrado ng nasabing ahensya dahil sa dala nitong panganib sa kalusugan ng mga mamimili.
Tinukoy ni Retired Police Gen. Allen Bantolo, hepe ng FDA Regulatory Enforcement Unit (REU) ang Wawang Mosquito Coil na matagal ng ipinagbabawal ng ahensya sa merkado.
Ngunit nagbabala muli ang FDA matapos makumpiska kamakailan ng REU at ng mga otoridad ang nasa 438 na kahon ng nasabing katol sa walong tindahan sa Barangay 649, Baseco, sa Tondo, Maynila.
“Sa kabila ng mga paalala ng FDA laban sa paggamit ng Wawang Mosquito Coil ay may ilang negosyante at mga tindera pa rin ang naglalako nito sa mga tindahan at palengke, lalo na sa mga matataong lugar katulad ng Baseco Compound, kung saan marami ang bumibili sa nasabing produkto kahit hindi nila alam ang posibleng panganib nito sa kanilang kalusugan,” pahayag ni Bantolo.
Dagdag pa ni Bantolo, hindi magagarantiya ng FDA ang kalidad, bisa, at kaligtasan ng wawang katol dahil ito ay naglalaman ng nakalalasong kemikal na mapanganib sa mga tao at hayop.
“Ang pesticide product na ito ay hindi rehistrado sa FDA at hindi pinayagang maibenta sa merkado. Ang paggamit ng mga ganitong produkto ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga mamimili,” giit ni Bantolo.
Ang paggamit ng substandard na mga produkto ay maaaring magresulta sa masamang reaksyon sa katawan katulad ng pagkairita ng balat, pangangati, anaphylactic shock, respiratory disorder, endocrine complications, brain damage at organ failure.
Upang maiwasan ang mga produktong hindi rehistrado at otorisado ng FDA, nagpaalala ang ahensya sa publiko na bumili lamang sa mga respetadong tindahan at ugaliing tignan kung ang binibiling produkto ay aprubado ng FDA. Jodi Bustos