Federalism advocates, nanawagang suportahan ang pagsusulong ng revolutionary government

Mga miyembro ng Hukbong Federal ng Pilipinas/Mar Gabriel/Eagle News/

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Nanawagan ang grupong Hukbong Federal ng Pilipinas sa labing anim na milyong Pilipino na bumoto at nagpapanalo kay Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan ang pagsusulong ng revolutionary government.

Sa isinagawang press conference sa Quezon City, inilunsad ng grupo ang kanilang signature campaign na target na kumalap ng limang milyong lagda bilang suporta dito.

Ayon kay Danilo Mangahas, national adviser ng Hukbong Federal Pilipinas, ito ang pinakamabilis na paraan para maipatupad na ang federalismo na susi raw sa totoong pagbabago at tiyak na magandang kinabukasan ng bansa.

Sa apat na taon at walong buwan daw kasi na natitira sa administrasyong Duterte, tila malabo na umano na maisulong pa ito sa Kongreso sa pamamagitan ng constitutional assembly o charter changer o ChaCha.

Bukod sa aktuwal na pagpapalagda, gagamitin din ng grupo ang social media sa pagkalap ng suporta sa pamamagitan ng paglike sa kanilang Facebook page.

Hindi daw kasi maitatanggi na malaki daw ang naitulong ng social media sa kampanya at pagkakapanalo sa eleksyon ng Pangulo.

Sa ngayon, nasa 2,850 na lagda na ang nakakalap ng grupo habang may 20 likes na raw sila sa kanilang Facebook page.

Sa Nobyembre 30, isang malaking pagkilos ang ikinakasa ng grupo sa Luneta Grandstand na inaasahan umanong dadaluhan ng milyung-milyong taga-suporta ng pangulo para ipakita ang kanilang suporta sa revolutionary government at federalismo.

Related Post

This website uses cookies.