QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Muli na namang nagpamalas ng talento ang mga Pilipino sa larangan ng paggawa ng short film matapos mapabilang ang obra nilang “Nakaw” (steal) sa prestihiyosong Festival de Cannes ngayong taon.
Ang pelikulang ito ay isang crime-drama-thriller na tumatalakay sa kwento ng isang lalaki na nagbago ang ikot ng buhay matapos niyang pagnakawan ng pitaka ang isang matandang babae.
Ang pelikula ay pinagbibidahan nina King, Frank Ferguson, Angelo Gammad, Duke San Juan at Sheika Aljunaibi.
Ito ay masusing pinili para sa Short Film Corner ng nasabing patimpalak noong Marso 3. Una na itong naipalabas sa Instituto Cervantes de Manila’s Pelikula: 15th Spanish Film Festival, at nakatakdang ipakita sa buong mundo kasabay ng ilan pang mga maiiksing pelikula.
Ito ang kauna- unahang short film sa direksyon nina Arvin Belarmino at Noel Escondo, na susuriin ng mga hurado sa nasabing patimpalak sa Mayo 22-28, 2017 sa French Riviera’s famed film festival.