BINALONAN, Pangasinan (Eagle News) – Tuwing buwan ng Marso ay isinasagawa ang “Fire Prevention Month” ayon sa RA 6975. Kaya bilang pakikiisa ay isinagawa ng San Felipe National High School, Binalonan, Pangasinan ng programa na pinamagatang “Fire Prevention and Earthquake Preparedness”. Ito ay may temang “Buhay at Ari- arian ay pahalagahan, Ibayong pag-iingat sa sunog ay sa sariling pamayanan simulan”.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng mga representante mula sa Binalonan Bureau of Fire Protection (BFP). Kung saan tinuruan nila ang mga estudyante kasama na ang mga guro kung ano ang dapat gawin kung makakasagupa ng sunog o lindol. Pagkatapos ay isinagawa din nila ang fire drill. Itinuro rin sa kanila kung papaano gagamitin ang fire extinguisher.
Lubos na nagpapasalamat ang mga estudyante ng nasabing paaralan sapagkat nagkaroon sila ng karagdagang kaalaman kung sakaling magkaroon ng sunog at lindol.
Adelina Tolentino – EBC Correspondent, Pangasinan