(Eagle News) — Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na makipag-ugnayan sa China tungkol sa pagpapaalis nito sa eroplano ng militar na lumipad sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Cayetano, nais ng Pangulo na manatili ang diplomasya sa pakikipag-usap sa China at kumpyansa siyang maaayos ang gusot ng dalawang bansa.
Dagdag pa ng kalihim, hindi niya nakikita na humihina ang ugnayan ng Pilipinas at China.
Katunayan aniya ay nagiging bukas ang dalawang bansa sa pagtalakay sa iba’t-ibang isyu.
Matatandaang napaulat sa international media ang kakaibang pamamaraan ng China sa pagpapaalis sa eroplano ng Pilipinas na lumipad sa taas ng Spratlys sa pamamagitan ng radio warning.