Forest fire sa Mt. Apo, nagpapatuloy pa rin

DAVAO CITY, Philippines — Umaabot na sa 200 ektarya ang natutupok dahil sa nagpapatuloy pang forest fire sa Mount Apo na sumiklab noong Sabado, Marso 26.

Ayon kay Harry Camoro, action officer ng Provincial Disaster Risk Reduction And Management Council (PDRRMC) ng Davao del Sur, nagsimula ang naturang forest fire sa Kapatagan Trail sa Digos City at kumalat naman hanggang sa parte ng Lake Venado.
Napag-alaman ding kabilang na sa naabo ang mini-forest sa Lake Venado sa North Cotabato.

Kung hindi agad maaapula ang naturang sunog, pinangangambahang aabot ito sa kagubatan na sakop ng bayan ng Sta. Cruz sa Davao del Sur maging sa lahat ng daan paakyat ng tuktok ng Mt. Apo sa Tamayong area at camp sites sa mga sitio ng Kulan, Godi-Godi at Tompis.

Samantala, sa North Cotabato naman, nakagawa na umano ng 10-meter fire line ang 2, 000 miyembro ng pamatay-sunog at mga volunteer para hindi na tumawid ang forest fire sa Kidapawan-Makilala-Magpet eco-tourism triangle.

 

.

 

Related Post

This website uses cookies.