(Eagle News) — Binayaran na ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Korte Suprema ang unang installment ng cash deposits na PHP 66 million na sinisingil ng Presidential Electoral Tribunal para umusad ang kanyang electoral protest laban kay Vice-President Leni Robredo.
Kahapon, Abril 17 ang deadline na itinakda ng PET sa kampo ni Marcos para bayaran ang unang installment ng electoral protest fee.
Personal na nagtungo si Marcos sa Korte Suprema para magbayad.
Kabuuang 36 million and 23 thousand pesos ang binayaran ni Marcos sa PET.
Sinabi ni Marcos na kahapon lamang nakumpleto ang PHP36 million lalo na’t sarado ang bangko dahil sa long holiday.
Marami aniyang lumapit sa kanila para tumulong sa pagkalap ng nasabing halaga.
Libu-libo aniya ang tumulong na pinangunahan ng kaniyang malalapit na kaibigan na nag-ikot at nangolekta ng naturang halaga.
Minarapat na rin aniyang bayaran ang electoral protest fee bagamat naghain sila ng mosyon para kuwestyunin ang halagang itinakda ng SC na kabuuang 66 million pesos.
30 million pesos naman ang kailangan pang bayaran ni Marcos sa ikalawang installment.
Gagamitin para sa retrieval ng mga ballot box at mga election documents sa mga kinukwestyong presinto ni Marcos ang halaga.
Sa kanyang protesta kinukwestyon ni Marcos ang resulta ng Vice Presidential Elections sa 39,221 clustered precincts.