Franchise renewal hearing sa Kamara ipinagpaliban upang makumpleto ng ABSCBN ang mga hinihinging dokumento

 





Ni Eden Santos
Eagle News Service

(Eagle News) — Ipinagpaliban muna ng Kongreso ang mga nakatakdang hearing nito ukol sa ABSCBN franchise renewal ngayong linggo upang mabigyan ng sapat na panahon ang management ng media network na maisumite ang kumpletong mga dokumento na hinihingi ng mga kongresista.

Hindi natuloy ang nakatakdang pagdining ngayong araw, Martes, Hunyo 23, maging ang nakatakdang pagdinig bukas, Miyerkules, Hunyo 24. Isasagawa na lamang ang susunod na pagdinig sa Lunes, Hunyo 29.

Kasama sa mga dokumentong hinihingi ng mga kongresista ay ang tinaguriang alphalist ng ABS CBN ukol sa sinasabi nilang 11,000 empleyado nito, maging ang kopya ng arbitration award nito, at iba pang mahahalagang dokumento.

Sa nakalipas na mga pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises at ng Committee on Good Government and Public Accountability ay sinabi ni House Deputy Speaker at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na pinakamahusay na ebidensya ang mga nasabing records kaysa sa mga kuwento at pahayag ng mga namamahala sa network.

Una rito, bigong maisumite ng ABSCBN management ang mga nasabing records sa mga nakalipas na pagdinig.

Inaasahang sa susunod na linggo ay maisusumite na ng ABSCBN ang nasabing mga dokumento.

(Eagle News Service)