(Eagle News) — Lumitaw ang pagiging matulungin ni Gerald Anderson sa pagtatayo niya ng isang foundation na magtataguyod ng kanyang advokasiya na makatulong sa panahon ng emergency sa pamamagitan ng mga aso. Ang “The Gerald Anderson Foundation”.
Ayon sa kapatid ni Gerald na si Ken, ito ang matagal nang pangarap ng kuya niya. Ang makapagtayo ng isang Cannine Search and Rescue foundation.
Sa dami ng kalamidad na kinakaharap ng ating bansa mapapakinabangan ng aktor ang kanyang pagmamahal sa mga aso. Gagawin niya ang kanyang advocacy hindi lamang sa lokal kundi aabot hanggang sa mga karatig bansa natin sa asya, at kung makakaya niya, ay sa buong mundo.
Kapag may nawalang tao sa oras ng kalamidad, tumutulong sila sa pamahalaan at ibang organisasyon sa paghahanap sa mga ito sa pamamagitan ng kanyang private non-profit organization.
Matatandaan na minsan sa isang panahon ng pagbaha ay tumulong si Gerald at ang kanyang mga kaibigan sa pagsagip sa mga tao na inabot ng malaking pagbaha at magtungo sa mga evacuation center.
Isa si Jed Madela sa supporter ni Gerald sa kaniyang foundation na Early 2016 lamang niya naitayo at nai-rehistro. Nag-perform din siya sa ginanap na pangalawang launch ng foundation.
Hindi ganun kadaling bumuo ng isang Canine Search and Rescue team. Bukod sa mamahaling mga aso na kailangang gamitin sa paghahanap sa mga nawawala at lalong nangangailangan ng mahabang training hindi lamang ng mga aso kundi maging sa mga tao na gagawa ng ganitong mahirap na tungkulin.
Tunay nga na kahanga-hanga ang mga ganitong gawa ng isang artistang hindi lamang sa pansarili ang iniisip kundi ang makatulong din sa kaniyang kababayan at kapwa tao sa pamamagitan ng kaniyang kinahihiligan. At ang pagkahilig sa mga alagang aso ang nagtulak kay Gerald upang makatulong sa panahon ng kalamidad at sa mga nangangailangan.