By Jerold Tagbo
Eagle News Service
MANILA, Philippines (Eagle News) — Pebrero noong nakaraang taon, inilabas ng ImageSat International ang satellite image kung saan makikita ang mga umano’y inilagay na launcher ng China sa Woody Island na bahagi ng paracels sa West Philippine Sea.
Ilan pa sa mga satellite image ang ipinakita ang agresibong pagtatayo ng Tsina ng mga istraktura sa iba pang islang may territorial claims ang ibang bansa.
At makalipas ang mahigit isang taon, sinabi ng Center for Strategic and International Studies na isang U-S Think Tank na malapit ng matapos ang mga istrakturang itinayo ng China sa Subi, Mischief at Fiery Cross Reefs na inaangkin din ng Pilipinas at iba pang claimant countries.
Partikular na matatapos sa mga man-made islands sa tatlong reef ang mga konkretong runway, aircraft hangars, radar sites at shelter para sa surface-to-air missiles ng China.
May kakayahan daw ang bawat hangar na makapaglagay ng nasa mahigit dalawampong jet fighter at apat hanggang limang malalaking bomber planes.
Kakayahan ng China na kaagad makapag-deploy ng warplanes sa WPS, mas mapapalawak pa – US Think Tank
Dahil dito, sinabi pa sa report ng US Think Tank na mas mapapalawak pa ang kakayahan ng tsina na agad makapag-deploy anumang oras ng mga eroplanong pandigma nito sa West Philippine Sea.
Sa ngayon, isang airfield sa Woody Island kung saan nakalagay ang mga mobile launcher at anti-ship cruise missiles ang ginagamit ng China.
Una nang sinabi ng Chinese Government na hindi raw nila layon ang militarisasyon sa West Philippine Sea at iginigiit na for civilian purposes ang pagtatayo nila ng mga istraktura sa lugar.
Hindi rin daw nila hahadlangan ang freedom of navigation and over flight, gayunman hindi malinaw kung sakop ba nito ang mga military ship at aircraft.
Ang Pilipinas, Amerika at iba pang bansa, inihayag na noong una na hindi makakabuti ang anumang militarization activities sa mga pinagtatalunang isla.
Dating NSC Adviser Golez, nangangambang isusunod ng China ang pagtatayo ng istruktura sa Panatag Shoal
Para kay dating National Security Adviser Roilo Golez, nangangamba ito na maaaring isunod na ng China ang pagtatayo ng mga istraktura sa Scarborough o Panatag Shoal.
Ito’y lalo’t may plano aniya ang China na maglagay ng tinatawag na defense triangle para mas lalong mapasailalim sa kontrol ang buong West Philippine Sea.
Golez, nanawagan sa pamahalaan na maging maingat sa pakikipag-deal sa China
Pinaalalahanan din ng dating opisyal na dapat maging maingat ang Duterte administration sa pakikipag-deal sa China lalo’t kabi-kabila ang mga loan o tulong-pautang ang kanilang ipinagkakaloob.
China, tiniyak na hindi magtatayo ng monitoring station sa Panatag
Tiniyak na ng China kay Pangulong Duterte na hindi sila magtatayo ng monitoring station sa Panatag (Scarborough Shoal).
Determinado rin daw ang China na mabuo na ang code of conduct para isulong ang maritime cooperation at maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.