Eagle News
Cavite – Pinangunahan nina Senador Panfilo Lacson at Toursim Secretary Wanda Teo ang pagdiriwang ng 119th Independence Day Celebration sa Kawit, Cavite.
Kasama sa mga naging aktibidad sa pagdiriwang ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa balkonahe ng mansyon ni Hen. Emilio Aguinaldo kung saan doon din unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas.
Matapos ito ay ang wreath laying activity naman sa puntod ni Hen. Aguinaldo.
Batangas – Ginunita sa Batangas partikular sa Lipa City ang ika-119 na taong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Pinangunahan ni Lipa City Mayor Meynard Sabili ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas kasama ang mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Nakiisa din sa pagdiriwang ang mga sundalo, pulis, mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, BJMP at mga NGO’s.
Nagpamalas din ng kanilang silent drill ang Philippine Air Force sa bulwagan ng Plaza Independencia na sinaksihan ng lahat ng dumalo.
Marawi City – Sa kabila ng hindi parin natatapos na gyera ng gobyerno laban sa Maute terror group, ipinagdiwang parin sa Marawi City hall at Lanao del Sur Provincial Capitol ang ika-119 na araw ng Kalayaan kaninang umaga.
Kahit na may mga naririnig na putukan at pagsabog sa kanilang paligid, nagtungo pa rin ang ilang empleyado at sibilyan sa Marawi City hall at Lanao del Sur Provincial Capitol para makiisa sa kauna-unahang flag-raising ceremony roon mula nang maganap ang pag-atake ng Maute noong Mayo 23.
Nabatid na bago pa ang flag raising ceremony kanina ay nag-ikot na rin sa iba’t ibang lugar sa lungsod ang mga sundalo para itaas ang bandila ng Pilipinas. Naniniwala ang mga taga-Marawi na makakabangon parin sila sa oras na matapos na ang kaguluhang dulot ng Maute group.
Surigao del Sur – Isa sa pinakamahalagang petsa o araw sa kasaysayan ng Pilipinas ay ang Hunyo 12, 1898 na siya namang ginugunita o ipinagdiriwang na kalayaan ng bansa mula sa Spanish Colonial Rule.
Sa bayan ng Carrascal, Surigao del Sur, ginunita ang Araw ng Kalayaan ng bansa. Sinimulan ito sa pamamagitan ng flag faising ceremony, kaalinsabay ng pag awit sa ating pambansang awit, at pagbasa o pagtalakay sa kasaysayan ng paglaya ng bansa sa Kastilang mananakop sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898.
Nag alay rin ng mga bulaklak ang bawat ahensya ng gobyerno sa nasabing munisipalidad na bahagi pa rin ng paggunita.
Zamboanga del Norte – Matagumpay na isinagawa ang isang seremonya sa ika-119 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan na may temang Pagbabagong Sama Samang Balikatin kung saan isinagawa ito kaninang umaga sa Polanco, Zamboanga del Norte.
Dinaluhan ito ng lokal na pamahalaan ng Polanco, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang na ang PNP, BFP, mga estudyante, guro maging mga pribadong sektor.
Ipinapakita rin ng mga kabataan sa pamamagitan ng interpretative dance ang kahulugan ng kalayaan.
Sa pagtatapos ng programa, isinagawa ang pag-awit ng “Ang Bayan ko” kasabay ng pagpapalipad ng mga lobo.
Gayundin ang ginawa sa lalawigan ng Bataan, Laguna, Pangasinan, Benguet, Romblon at iba’t-ibang bayan at probinsya sa buong Pilipinas.