QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) –Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga ahensya ng gobyerno na agarang magbigay ng Filipino names sa limang underwater features sa Philippine Rise na nabigyan na ng pangalan ng China.
Ayon kay Gatchalian, napag-usapan na nila sa isinagawang pagdinig ng Senate Economic Affairs Committee ang legalidad ng pagbibigay ng Filipino names sa mga nasabing features para sa internal purposes.
Aniya, inirekomenda na niya sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa National Mapping And Resource Information Authority (NAMRIA) na agad nang palitan sa filipino names ang limang features sa Philippine Rise.
Paliwanag pa ni Gatchalian, mayroong dalawang hakbang para sa re-naming process, ito ay ang internal at external.
Para sa internal process aniya ay kinakailangang gawin ng DFA ang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang maglalabas ng Executive Order.
Habang ang external process aniya ay idadaan sa pamamagitan pa ng International Hydro Graphic Organization (IHO)
Dagdag pa ni Gatchalian, isusulong nila ang paglikha ng benham rise development authority para matiyak na lahat ng aktibidad sa Philippine Rise ay na-i-uugnay ng maayos.