QUEZON City, Philippines (Eagle News) — Pinagtalunan nina dating Senador Richard Gordon at election lawyer Atty. Romulo Macalintal ang usapin tungkol sa isyu ng pagbibigay ng resibo sa mga botante sa May 2016 elections.
Sa isang lingguhang news forum sa Maynila, ipinaliwanag ni Macalintal na hindi malinaw ang depinisyon sa mismong election automation law na akda mismo ni Gordon kung ano ang ibig sabihin ng Voter Verified Paper Audit Trail o VVPAT.
Bagama’t inamin ni Gordon na walang nakasaad sa naturang batas na dapat may resibong tatanggapin ang mga botante, sinabi naman nito na dapat may documentation na nabasa ng makina ang ibinoto ng isang botante.
“I am willing to concede (that) there is no receipt… I’m fine with that. But ‘wag tayong maglubid ng buhangin,” pahayag ni Gordon.
Sa kalagitnaan din ng balitaktakan ng dalawa, inungkat ni Gordon ang umano’y pag-aabugado ni Macalintal sa Mega Pacific na may hawak noon sa proyekto ng Commission on Elections (COMELEC) na automated counting system — bagay na pinasinungalingan naman ni Atty. Macalintal.
Sa huli, nagkalinawan din ang dalawa at binigyang-diin na inilatag lang nila ang kani-kanilang mga opinyon bilang bahagi ng demokrasya.
Samantala, sinabi din ni Gordon na hindi sapat upang maging katuwiran ng COMELECang kakapusan sa panahon para ipatupad ang kautusan ng Korte Suprema na kung hindi aniya matutupad, ay dapat handa silang maipakulong.
“Nilagyan na ng patakaran hindi mo pa susundin? Humanda kang pakulong,” saad pa ni Gordon.
Para naman kay Macalintal, pagtiwalaan aniya ang Komisyon sa kanilang gagawin para sa naturang usapin.
“Sa kasalukuyan, para sa akin, bigyan natin ng tiwala ang COMELEC kung ano ang kanilang gagawin,” pahayag ni Atty. Macalintal.