(Eagle News) — Sumugod sa Korte Suprema ang ilang bilang ng mga mangagawa mula sa public sector sa pangunguna ng grupong COURAGE upang tutulan ang Bureau of Internal Revenue Memorandum Order No. 23-2014 na nagsasabing buwisan ang mga benepisyo ng mga mangagawa.
Naniniwala ang mga mangagawa na mali ang naturang memorandum dahil ang usapin aniya ng fringe benefits gaya ng 13th month pay, cash gift at iba pa ay pantulong sa mga empleyado at hindi na dapat patawan ng buwis. Sa naturang BIR memorandum order bubuwisan nito ang mga benepisyo ng mga empleyado ng gobyerno.
Mariin naman itong tinututulan ng mga government worker mula pa noong 2014 at sa katunayan ay nagsumite sila ng petition para pansamantalang ipatigil ang naturang memorandum.
Sa desisyon ng Korte Suprema noong July 3, ibinasura nito ang unang petition ng grupo kaya naman muli silang aapela sa korte sa pamamagitan ng isang motion for reconsideration.
Kasabay nito, humihiling sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na dagdagan sila ng sahod at gawing P16,000 pesos ang minumim wage halip na taasan ang buwis na kinakaltas sa kanila,
Ilan sa mga sumama sa pagkilos ang mga empleyado ng Korte Suprema, Court Of Appeals, Department of Agrarian Reform, maging ang mga empleyado ng Department of Social Welfare And Development.