MANILA, Philippines (Eagle News) — Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggal agad sa trabaho ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na lumalagpas sa kanilang lunch break at tumatakas para mamasyal sa mga mall.
Sinabi ni Pangulong Duterte na dapat isipin lagi ng mga manggagawa sa national at local government offices na binabayaran sila ng mga mamamayan para magtrabaho ng walong oras.
Ayon kay Duterte, ang mga empleyadong wala sa kanilang tanggapan pagkatapos ng lunch break at napatunayang namamasyal lang sa mga shopping mall ay tanggal agad sa trabaho.
Maituturing aniyang estafa o swindling ang ganitong gawa at nakapaloob ito sa Article 8 ng Revised Penal Code.