Green sea turtle na na-trap sa baklad, pinakawalan sa Roxas, Palawan

ROXAS, Palawan (Eagle News) — Isang malaking green sea turtle ang na-trap sa baklad at napadpad sa Brgy. San Isidro ng bayang ito noong Huwebes ng hapon, ngunit agad din itong pinakawalan.

Agad na tinungo ng mga otoridad ng bantay-dagat sa Roxas at mga kinatawan ng Department of Natural Resources (DENR)-Roxas ang malaking pawikan nang ipagbigay-alam  sa kanila ang pagkakapadpad nito ng mga residente.

Ang green sea turtle na ito ay tumitimbang ng halos 200 kilo, na ayon sa mga otoridad ay pinakamalaking pawikan na narecover sa karagatang sakop ng lalawigan.

Sa panayam ng Eagle News Team sa action center head ng Roxas na si Bong Libiran, posibleng naghanap ng pagkain ang pawikan kung kaya napadpad ito sa isang baklad.

Ngunit inabot ng low tide kaya hindi na nito nagawang makalabas.

Agad namang dinala sa pangangalaga ng DENR ang nasabing pawikan upang gamutin ang nakitang mga galos sa katawan nito.

Kinakitaan din ng tag ang pawikan bilang palatandaan na ito ay una nang narecover mula sa bansang Malaysia partikular sa Sea Turtle Island.

Pinakawalan ang nasabing green sea turtle sa Modessa Island noong araw ding iyon.

(Erol Deloso and Anne Ramos – Eagle News Correspondents)