Groundbreaking ceremony ng MRT-7 project, pinangunahan ni President Aquino

Pinangunahan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang ground breaking ceremony para sa konstruksyon ng Metro Rail Transit o MRT 7 sa bahagi ng Quezon City Circle.

Ang itatayong MRT 7 ay maseserbisyo sa mga pasahero particular sa northeast side ng Metro Manila hanggang sa San Jose Del Monte sa Bulacan.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Pangulong Aquino ang malaking pakinabang sa bagong Mass Railway Transit system.

Bukod sa bagong railway system, itatayo rin sa bahagi ng San Jose Del Monte, Bulacan ang International Transport Terminal o ITT para  ibsan na rin ang trapiko sa lansangan.

Target ng proyekto na itinaguyod sa ilalim ng Public-Private Partnership o PPP program na matapos ang konstruksyon ng MRT 7 sa taong 2020.

Nasa  69.3 billion pesos ang kabuuang halaga ng proyekto para sa 22-kilometer stretch Mass Railway Transit System at International Transportation Terminal.

Magkakaroon ito ng14 na istasyon mula sa North Avenue, Quezon City hanggang San Jose Del Monte, Bulacan.

Katuwang ng gobyerno sa proyekto ang San Miguel Holdings Inc.

Sinabi ni San Miguel Corporation Chief Executive Officer Ramon Ang, sa sandaling maging operational, kakatawan ang MRT 7 sa 5 percent ng kita mula sa diversified conglomerate ng SMC.

2013 pa aprubado ng National Economic and Development Authority o NEDA ang MRT 7, bagama’t aminado si Pangulong Aquino na sinimulan ang pagbuo ng konsepto nang sinundan niyang administrasyon.

Naantala ang implementasyon ng proyekto dahil tiniyak umano ng gobyernong walang magiging problema sa mga kontratang pinasok ng administrasyon.

DOTC: Problema sa trapiko, masosolusyunan ng MRT 7

Sa statement sinabi ng Department of Transportation and Communications o DOTC na particular na masosolusyunan ng proyekto ang mabigat na trapiko sa Commonwealth Avenue.

Hindi lang daw mababawasan ang panahon sa biyahe kundi madi-decongest din aniya ng proyekto ang traffic sa Caloocan at North Luzon Expressway o NLEX.

This website uses cookies.