Grupong Bayan-Southern Tagalog, sumugod sa Fernando Air Base

LIPA City, Batangas (Eagle News) — Sumugod sa Fernando Air Base sa Lipa City ang nasa 80 miyembro ng grupong Bayan-Southern Tagalog.

Ito ay upang kunin diumano ang ilang mga bangkay na kabilang sa grupo ng New People’s Army (NPA) na namatay sa sagupaan ng makakaliwang grupo laban sa militar noong Linggo sa Mount Banoy na sakop ng Batangas City.

Ayon kay Petty Hernandez, tagapagsalita ng grupong Bayan Southern Tagalog, nasa Philippine Air Force ang mga bangkay na kanilang hinahanap.

Pursigido aniya sila na makuha ang mga ito.

Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay nasa evacuation center pa rin ang nasa 87 pamilya mula sa Brgy. Talahib Pandayan at 50 pamilya naman mula sa Brgy. Cumba, Batangas City dahil na rin umano sa takot sa nangyaring engkwentro.

Panawagan ng grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na umano ang all-out war policy maging ang martial law sa Marawi City.

Nais din nilang ituloy ang usapang pangkapayapaan. (Ghadzs Rodelas – Eagle News Correspondent)

Related Post

This website uses cookies.