Dismayado ang grupo ng Samahang Industriya ng Agrikultura o (SINAG) matapos bigong lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang HB 6380 o ang Anti Agricultural Smuggling Act na ipinasa ng senado at kongreso.
Ayon kay SINAG President Engr. Rosendo So, halos isang buwan na sa kamay ng Pangulo ang nasabing bill subalit magpahanggang ngayon ay hindi pa niya nilalagdaan.
Sa Mayo 6, nakatakdang kalampagin ng grupo ng mga magsasaka ang administrasyong Aquino kung tuluyang isasantabi ng pangulo ang pag-apruba sa nasabing bill.
Nakapaloob sa inihaing bill ng ABONO Partylist at SINAG na mapapatawan ng mas mataas na multa at pagkakulong sa mga mahuhuling indibidwal at sinumang kakutsaba na opisyal ng pamahalaan sa smuggling ng agricultural commodities tulad ng bigas, pork, beef, chicken, gulay, bawang at sibuyas na pumapatay sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Nabatid din na taong 2011 pa isinusulong ng dalawang grupo ang pagpasa sa nasabing bill.
2014 naman nang magtulong-tulong sina senadora Cynthia Villar, Grace Poe, JV Ejercito at ABONO partylist representative Conrado Estrella upang mabuo ang nasabing bill.
(Eagle News Pangasinan Correspondent, Nora Dominguez)