Gunman, mastermind at dalawa pang suspek sa pagpatay sa paring si Richmond Nilo hawak na ng PNP

 

Mar Gabriel
Eagle News Service

Naaresto na ng Philippine National Police ang mastermind, gunman at dalawa pang suspek na nasa likod ng pagpatay sa paring si Richmond Nilo noong Hunyo 10.

Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Police Director Roel Obusan, una nilang naaresto ang gunman na si Omar Mallari na nasundan nila sa pamamagitan ng kotse nito na nakuhanan ng CCTV.

Sinunog pa raw ang kotse pero nakilala pa rin ito sa pamamagitan ng bahagi nito na ibinenta sa junkshop.

Matapos ang pag-aresto kay  Mallari ay nadiskubreng may warrant of arrest ito sa kasong robbery with homicide.

Sa harap ng mga imbestigador at ng kanyang abugado, inamin daw ni Mallari ang krimen at itinuro ang isang Manuel Torres na naghire sa kanya para patayin ang pari sa halagang Php 100,000.

Lumabas sa imbestigasyon ng CIDG at ng Police Regional Office 3 na si Torres ay tiyuhin ng seminarista na si Christopher Torres na sinampahan ng kasong rape ng tatlong sakristan ng pari.

Nadismiss na raw ang kaso pero itinutulak daw ni Nilo na muling kasuhan si Torres na ikinagagalit daw ng tiyuhin nito.

Bukod kina Torres at Mallari, sumuko sa mga awtoridad ang mga suspek na si Ronaldo Garcia at si Marius Albis.

Patuloy namang tinutugis ng mga pulis ang iba pang suspek na nakuhanan ng CCTV noong araw na patayin ang pari.

Sa harap nito, hindi pa rin daw itinuturing ng PNP na sarado na ang kaso hangat hindi pa natutugis ang lahat ng suspek.

Samantala, aminado ang PNP na nagkamali sila sa pag-aresto kay Adel Roll Milan na pinalaya na noong Biyernes, Hunyo 28.

Giit ni PNP Chief Oscar Albayalde, inaresto nila si Milan dahil ito ang itinuturo ng sakristan na nakita niyang bumaril sa pari kaya bilang pulis ay sinampahan nila ito ng kaso.